Nagulat ang mga doktor sa isang ospital sa New Delhi, India nang makita ang isang buhay na ipis na may laki na tatlong centimeters sa small intestine o bituka ng isang pasyente na ilang araw na nakaranas ng pananakit ng tiyan at hindi natutunawan.
Pumunta ang 23-year-old na lalaki sa Fortis Hospital, at inireklamo ang matinding pananakit ng kanyang tiyan at hirap na matunawan.
Kumain ang lalaki ng street food ng gabi ilang araw bago ang kanyang naramdaman na pananakit ng tiyan.
Dahil dito, isinagawa ng mga doktor ang Upper Gastrointestinal (GI) Endoscopy sa lalaki, at laking gulat nila nang makita ang isang buhay na ipis sa kanyang bituka.
Nagtataka ang mga doktor kung paano nanatiling buhay ang nasabing ipis sa tiyan ng pasyente.
Tinanggal ng mga doktor ang ipis gamit ang endoscope na may dalawang channels-isa para sa air at water infusion at ang isa ay para sa air suction.
Hinala ng Indian gastroenterologist, posibleng pumasok ang ipis sa bunganga ng lalaki habang siya ay natutulog, o aksidente niya itong nalunok nang pumunta siya sa night market.