Sumakabilang-buhay si Juan Ponce Enrile, ang chief presidential legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Senate President kahapon ng hapon.

Si Enrile na ipinanganak sa Gonzaga, Cagayan ay pumanaw sa edad na 101.

Sinabi ni Katrina, ang babaeng anak ni JPE na maglalabas sila ng detalye ng public viewing sa sandaling maisapinal na nila ito, at kailangan nila ng pribadong pagdadalamhati.

Sa talumpati ni Marcos sa Malacañang noong 2024, tinawag niya si Enrile na “an icon in the pantheon of Philippine history.”

Kagabi, kinilala ni Marcos si Enrile na “one of the most enduring and respected public servants our country has ever known.”

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng pangulo na sa mahigit 50 taon, inialay ni Enrile ang kanyang buhay sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayang Pilipino, tumulong siya sa paggiya sa bansa sa panahon na naharap ito sa mga matitinding hamon .

Ayon kay Marcos, maging sa huling mga taon ni Enrile, nanatili siyang matalino at matatag sa kanyang paninindigan sa kanyang paniniwala na ang batas at pamamahala ay dapat na nagsisilbi sa mga mamamayan.

Idinagdag pa ni Marcos na hindi kailanman makakalimutan si Enrile lalo na sa kanyang mga napagsilbihan.

Sinuspindi naman ng Senado kahapon ang plenary deliberations sa 2026 General Appropriations Bill (GAB), kasunod ng anunsyo sa pagpanaw ni Enrile.

Noong oct. 24, 2025, dumalo si Enrile sa online promulgation ng kanyang kasong graft sa Sandiganbayan sa ospital, matapos siyang ma-confine dahil sa pnuemonia, ayon kay Katrina.

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Special Third Division, kasama ang kanyang dating chief-of-staff Jessica “Gigi” Reyes, at Janet Lim Napoles sa 15 counts ng graft may kaugnayan sa umano’y maling paggasta sa kanyang priority development assistance fund noong siya ay senador pa lamang.

Sinabi ni Enrile na nagpapasalamat siya sa Panginoon at maging sa Sandiganbayan na maingat na pinag-aralan ang mga ebidensiya at nilitis ang kanyang kaso ng patas.

Matatandaan na sinabi ni Katrina noong Nov. 12 na nasa intensive care unit ang kanyang ama dahil sa pnuemonia.

Bago ang pagreretiro nang italaga siya bilang top legel counsel ni Marcos noong 2022, nagsilbi na si Enrile sa pamahalaan sa executive at legislative sa loob ng 50 taon nang wala na siya sa Senado noong 2016.

Isang senior partner sa law offices at isang law professor sa Far Eastern University, pumasok si Enrile sa pamahalaan noong 1966 nang italaga siya nang noon ay Pangulong Ferdinand Marcos Sr. bilang finance undersecretary at kalaunan ay naging acting secretary ng Department of Finance.

Itinalaga din siya na concurrent acting chairman ng Monetary Board at concurrent acting head ng Insurance Commission.

Pinangalanan din siyang acting commissioner ng Commission of Customs.

Itinalaga si Enrile na kalihim ng Department of Justice noong 1968 at naging concurrent chairman ng Board of Pardons and Parole.

Noong 1970, itinalaga siya bilang Secretary ng National Defense.

Nagbitiw si Enrile noong 1971 at tumakbo bilang senador.

Muli siyang itinalaga sa defense department noong 1972 at siya ang defense secretary nang ideklara ni Marcos Sr. ang Martial Law noong September 21 sa nasabing taon.

Nagsilbi siyang minister of defense ni Marcos Sr. hanggang 1986, nang binawi niya kasama ng noon ay Armed Forces Vice Chief of Staff Lt. Gen. Fidel Ramos ang kanilang suporta sa administrasyon.

Kalaunan ay nangyari ang EDSA revolution na nagpatalsik kay Marcos Sr. at itinalaga na presidente si Corazon “Cory” Aquino.

Nagsilbi si Enrile sa gabinete ni Cory Aquino hanggang November 1986.

Sa sangay lehislatura, nagsilbi si Enrile bilang assemblyman na kumatawan sa Region 2 o Cagayan Valley sa Interim Batasan Pambansa mula 1978 hanggang 1984.

Nagsilbi siya bilang assemblyman na kumatawan sa probinsiya ng Cagayan mula 1984 hanggang 1986.

Nahalal si Enrile sa Senado noong 1987 at nagsilbi hanggang 1992, at muli siyang nahalal sa Senado noong 1995 hanggang 2010, at mula 2010 hanggang 2016.

Naging Senate President si Enrile mula 2008 hanggang 2010, at mula 2010 hanggang 2013.

Siya ay naging Senator-judge sa impeachment trials ng noon ay Pangulong Joseph Estrada sa huling bahagi ng 2000 hanggang 2001 at sa impeachment ng noon ay Supreme Court Justice Renato Corona noong 2012, kung saan siya ang presiding officer.

Na-resign si Enrile bilang Senate President noong 2013 sa gitna ng kontrobersiya sa pondo ng Senado.

Noong 2014, kinasuhan siya ng plunder sa Sandiganbayan may kaugnayan sa hindi umano tamang paggamit sa kanyang pork barrel funds.

Sumuko siya sa Camp Crame at mahigit isang taon siya na sumailalim sa hospital arrest sa Philippine National Police General Hospital. 

Nakalaya siya matapos na magpiyansa noong 2015.

Makalipas ang 10 taon, noong October 4, 2024, not guilty ang naging hatol ng Sandiganbayan Third Division
kay Enrile, Reyes, at Napoles sa plunder case, kung saan nakasaad sa desisyon na nabigo ang state prosecutors na patunayan ang pagkakasala ng mga ito beyond reasonable doubt.

Nag-iwan naman ng legacy si Enrile sa Cagayan na hindi makakalimutan na tinatamasa ng maraming henerasyon
ng Cagayano.

Kabilang sa mga nagawa ni Enrile sa probinsiya ng Cagayan ay ang pagbalangkas ng charter ng Cagayan State University (CSU) at ang pagtulong sa pagkakatatag ng unibersidad bilang isang state university.

Dahil din sa kanyang mga inisyatiba at suporta, naging sentro ng rehiyon (regional center) ang lalawigan ng Cagayan.

Marami rin siyang mahahalagang proyekto at accomplishment sa Cagayan na nagbigay-daan para sa pag-unlad ng lalawigan sa infrastructure at edukasyon.