TUGUEGARAO CITY-Unti-unti na umanong bumabalik sa normal ang sitwasyon sa bansang China na siyang pinagmulan ng coronavirus disease na malaking banta ngayon sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas.

Inihayag ni Glory Eheng na tubong ifugao at OFW sa Shenzhen, China, bumabalik na sa operasyon ang karamihan sa mga negosyo doon na unang nagsara dahil sa banta ng virus.

Gayonpaman, sinabi ni Eheng na mahigpit pa rin na sinusunod ang mga preventive measures tulad ng pagsusuot ng face mask, paglalagay ng alcohol o hand sanitizer sa mga establishimiento at ang social distancing.

Kuwento ng nasabing ofw na ang seryosong pagsunod ng mga Chinese sa tagubilin o alituntunin ng kanilang gobierno sa pagsugpo sa covid-19 ang pangunahing dahilan kung kayat madaling na-contain ang virus.

Ayon pa kay Eheng na maging ang ground zero na Wuhan City ay bumabalik na sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan doon makalipas ang higit dalawang buwang lockdown at pagsara ng mga negosyo.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya na ang pinakahuli umanong nagpositibo sa virus sa China ay mga dayuhan na galing sa bahagi ng Europe at Pilipinas kung kayat mahigpit pa rin umano ang pagpapasok sa kanilang airport.