
Nagpalabas ng warrant of arrest ang Bulacan Regional Trial Court Branch 20 laban sa kontrobersyal na contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya at 10 iba pa kaugnay ng kasong malversation sa umano’y anomalya sa flood control project sa Bulacan.
Kabilang din sa inisyuhan ng arrest warrant ang asawa niyang si Sarah Discaya, pati na ang St. Timothy Construction executive na si Ma. Roma Rimando na kasalukuyang nasa kustodiya na ng gobyerno sa hiwalay na kaso ng korapsyon.
Inutusan din ng korte ang pag-aresto sa mga dating inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Kasama rin sa listahan sina Merg Jason Laus, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Mendoza, at Floralyn Simbulan.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control na kinasasangkutan ng ilang contractor at opisyal ng gobyerno.




