
Muling bubuksan sa mga motorista ang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela sa Lunes, March 2, mahigit isang taon matapos na bumagsak ang isang bahagi nito dahil sa overloading.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Cagayan Valley, ang maaari lamang dumaan muna sa nasabing tulay ay ang mga sasakyan na may hanggang 3 tons gross vehicle weight at 2.5 meters overhead height.
Sinabi ng DPWH na magsasagawa ng 24/7 na traffic management ang local government units ng Cabagan at Santa Maria at ang first district engineering office of DPWH Isabela.
Maglalagay ang ahensiya ng plastic barriers sa magkabilang dulo ng tulay upang matiyak na ang mga pinapayagan lamang na mga sasakyan ang dadaan sa tulay.
Matatandaan na nitong Enero 5, ipinag-utos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang 60-day construction ng steel bridge connector, kung saan natapos ang nasabing connector kahapon.
Ang 990-meter bridge, na nagdudugtong sa Sta. Maria at Cabagan at dumadaan sa Magat River sa Northern Isabela, ay bumagsak matapos na dumaan ang dump truck na may lulang malalaking bato noong Pebrero 27, 2025.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ng noon ay DPWH Secretary Manuel Bonoan na may bigat ang truck na nasa 89.63 metric tons, lampas sa maximum sa pinapayagan na gross vehicle weight na 45 tons.
Idinagdag pa niya na ang overloading ng mga truck at ang patuloy na pagdaan ng mga ito ang posibleng dahilan ng pagbagsak ng bahagi ng tulay.
Sinimulan ang paggawa sa tulay noong November 2014, at natapos ito noong February 1, 2025.
Ito ay may kabuuang halaga na P1.2 billion.










