Natagpuan na ng mga otoridad ang bumagsak na RP-C8958 Cessna 152 kasama ang mga sakay nito na pilot student at pilot instructor sa bahagi ng Sitio Matad, Brgy. Salvacion Luna, Apayao.

Sa kumpirmasyon ng Apayao Provincial Government, unang nakakita ang mga search and rescue team ng nawasak na bahagi ng eroplano nang magpalipad sila ng drone sa bahagi ng Barangay, San Jose, Pudtol at dahil dito ay mabilis nilang natukoy ang lokasyon ng crash site.

Kaugnay nito ay agad silang nagsagawa ng search, rescue and retrieval operations hanggang sa marating ang binagsakan ng cessna plane kung saan ay wasak na wasak na ito at patay ang dalawang sakay nito.

Naipasakamay na ang mga labi ni Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo sa kanyang mga kaanak habang isinasaayos naman ng mga otoridad ang mga kaukulang dokumento para sa student pilot na si Anshum Rajkumar Konde, 20 anyos, Indian national upang pormal siyang maipasakamay sa Indian Embassy at maihatid sa kaniyang mga pamilya.

Nagpapatuloy naman ngayon ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang naging sanhi ng pagbagsak ng cessna plane

-- ADVERTISEMENT --

Maalalang unang nitong Agosto uno ay naiulat ang pagkawala ng cessna plane na nag-takeoff sa Laoag City airport ngunit hindi nakarating sa Tuguegarao City matapos umanong masalubong ang sama ng panahon.