Binigyang-diin ni Davao Region Police director, Gen. Nicolas Torre III na hindi simpleng bunker ang kanilang hinahanap sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sinabi ni Torre na ang kanilang hinahanap ay isang ‘end of the world type-bunker’ o isang bunker na kayang suportahan ang ilang katao sa loob ng maraming araw.
Kasabay nito, siniguro ni Torre na may supplies sa loob ng bunker, subalit nilinaw niya na wala siyang pagtaya kung ilang araw kayang mabuhay ng mga tao sa loob nito, kabilang na si Pastor Apollo Quiboloy na pinaniniwalaan na nagtatago sa bunker.
Iginiit pa ni Torre na ang nasabing bunker ay ginawa ng isang mayamang tao na nagmamay-ari ng ilang eroplano at helicopter na nasa mismong hangar ng KOJC compound.
Una nang pinalutang ng PNP ang posibilidad ng pagkakaroon ng bunker sa loob ng KOJC compound kung saan pinaniniwalaang nagtatago si Quiboloy.
Ito ay batay sa umano’y namonitor ng PNP na ‘sign of life’ sa ilalim ng lupa, gamit ang kanilang ground-penetrating radar.
Maliban sa mga food supply, kumpleto aniya ito ng iba’t-ibang mga essential service tulad ng malinis na tubig, kuryente, at iba pang makapagbibigay ng komportableng buhay sa sinumang maninirahan sa loob.