Isinara na ang Buntun Bridge sa Tuguegarao City para sa lahat ng uri ng mga sasakyan.

Ito ay matapos na umabot na sa 12 meters ang antas ng tubig sa Cagayan River.

Ang nasabing hakbangin ay ipinatupad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2 sa mga lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City, Solana, Provincial Government ng Cagayan, at Philippine National Police.

Sa ngayon ay binabantayan at nilagyan ng harang ang magkakabilang dulo ng nasabing tulay ng mga kawani ng DPWH, PNP, at Philippine Army upang matiyak na walang magiging pasaway na mga motorista.

Kaugnay nito, sinabi ni PCOL Mardito Angoluan, director ng PNP Cagayan, papayagan lamang na dumaan sa tulay ang mga ambulance na may emergency at magsasagawa ng rescue operations.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, sinabi ni Engr. Esmeralda De Guzman, head ng 3rd Engineering District ng Cagayan na muling bubuksan ang Buntun Bridge sa sandaling bumaba na ang antas ng tubig sa ilog.

Ang nasabing preventive measure na ipinatupad ng nabanggit na ahensya, upang mapangalagaan ang structural integrity ng tulay, upang hindi matulad sa nangyaring pagbagsak ng Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala.