Nagdudulot na ng makulimlim na papawirin at mga pag-uulan ang trough ng Severe Tropical Storm Marce na may international name na Yanxing sa silangang bahagi ng Luzon. Mga localized thunderstorm naman ang posibleng magpaulan sa nalalabing bahagi ng bansa.
Ang sentro ng Severe Tropical Storm ay huling namataan ng state weather bureau sa layong 780 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora kaninang 3:00 AM at kaninang alas 5:00AM ay nasa 735 km East ng Baler, Aurora na ito.
Lumakas pa ito at may taglay nang lakas ng hanging umaabot sa 110 km/h malapit sa gitna at pagbugso na 135 km/h. Kumikilos ito pa hilagang kanluran sa bilis na 25 km/h.
WALA pa itong direktang epekto sa bansa dahil malayo pa ito, ngunit ang trough o extension ng mga kaulapan nito ay maaaring magdulot na ng mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Luzon sa mga susunod na oras.
Inaasahang kikilos ito palapit sa bansa sa mga susunod na araw at inaasahang tatawirin ang Extreme Northern Luzon bilang isang Typhoon sa darating na Huwebes-Biyernes (Nov. 7-8), kung saan ito magdudulot ng masungit na panahon.
Inaasahang magiging makulimlim na ang papawirin at magkakaroon ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Quezon, at Bicol Region.
Pangkalahatang maayos ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa, ngunit may tiyansa pa rin ng mga localized thunderstorm, lalo na sa hapon at gabi. Inaasahang lalakas pa ang noretheasterly windflow o ang paunang hangin bago ang amihan (northeast monsoon) sa mga susunod na araw na posibleng maging hudyat ng pagsisimula ng panahon ng amihan.
Patuloy rin itong magdudulot ng pabugsu-bugsong hangin sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Apayao, Isabela, Ilocos Sur, Aurora, Quezon, at Camarines Norte.
Dahil sa epekto ng bagyo ay nakataas na ang wind signal number 1 sa Batanes, buong lalawigan ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, Northern at eastern portions ng Isabela, Northern portion ng Apayao at Northern portion ng Ilocos Norte.