TUGUEGARAO CITY- Tiniyak ng Bureau of Animal Industry na wala nang ibang lugar sa bansa na apektado ng African swine fever matapos na makumpirma na ASF ikinamatay ng mga baboy sa Rizal.

Sinabi ni Dr. Ronnie Domingo, director ng BAI na nakontrol na nila ang sitwasyon sa Rizal kung saan ay nagsagawa ng depopulation sa mga baboy upang matiyak na hindi na ito kumalat pa.

Sinabi niya na activated na rin ang kanilang quick response team para sa mga posibleng katulad na sitwasyon sa mga baboy.

Nanawagan rin siya sa mga hog raisers na agad na ipaalam sa mga kinauukulan kung may sakit ang kanilang mga alaga upang agad itong matugunan.

Ayon sa kanya, may ibibigay na P3,000 pesos sa sinumang magsusuko ng kanilang mga baboy na hinihinalang may ASF at umaasa siya na tatapatan din ito ng LGUs upang makatulong sa mga apektadong swine raisers.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Domingo na ang posibleng pinagmulan ng ASF ay sa mainland China.

Ito ay mula sa nakumpiskang mga smuggled na mga karne ng baboy sa Manila na ibinenta sa murang halaga at ginawang kaning baboy sa Rizal.

Sinabi ni Domingo na may mga nakalusot pa rin na mga smuggled na karne ng baboy kahit na mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa mga airports at seaports.

Dahil dito ay binuo ang African Swine Fever Task Force.

Samantala, tiniyak ni Domingo na hindi makakaapekto sa tao ang ASF dahil ito ay eksklusibong sakit ito ng mga baboy.

Idinagdag pa niya na sapat ang supply ng karne ng baboy.

Matatandaan na 7,000 na baboy ang inilibing sa Rizal dahil sa ASF.

Nabatid pa mula kay Domingo na na 12.7 million ang swine population sa bansa.