Tuguegarao City- Namamahagi ng burial assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa pamilya ng mga nasawing indibidwal bunsod ng naranasang malawakang pagbaha sa lambak ng Cagayan.

Sa panayam kay Diana Vanesa Nolasco, Disaster Information Officer ng kagawaran, nasa 18 pamilyang mula sa iba’t ibang bayan sa rehiyon ang naabutan na ng tulong.

Aniya, nakatanggap ng tig-P10,000 ang mga pamilya ng mga nasawing tig tatlong indibidwal mula sa Maddela at Nagtipunan, Quirino kasama na ang isang pamilya mula sa Angadanan at dalawa sa Jones, Isabela.

Dagdag pa rito ang apat na mula sa Alcala, dalawa sa Tuguegarao, isa sa Gattaran at dalawa sa Gonzaga dito sa probinsya ng Cagayan.

Paliwanag ni Nolasco, mabibigyan din ang pamilya ng mga naiulat na nasawi mula sa bayan ng Baggao ngunit naantala lamang ito dahil sa ngayon ay hirap pa silang makapasok sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa kanya, nakapagdistribute na rin sila ng nasa 46,118 na family food packs na nagkakahalaga ng mahigit P500k sa bawat lalawigan na apektado ng pagbaha.

Sinabi pa nito na nasa 17,267 na family food packs pa sa mga stock piles ng bawat lalawigan ang nakahanda para sa distribution kung saan maaari umanong humiling ang mga LGUs na mangangailangan nito.

Samantala, nakapagtala na rin ang DSWD Region 2 ng 52 kabahayan na napinsala bunsod pa rin ng pagbaha kung saan 20 rito ang totally damage at 32 ang partially damage.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang validation at assessment ng kagawaran upang malaman ang kabuuang bilang ng mga nasirang bahay.