Tumanggap ng burial at medical assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamilya ng mga naulila at nasugatan na pasahero ng elftruck na nahulog sa bangin noong bisperas ng Undas sa Conner, Apayao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD RO2 na naibigay na ang tig- P10,000 sa pamilya ng 18 sa 19 na namatay mula Rizal, Cagayan.
Nabigyan na rin ng medical assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa ang sampung nasugatan mula Region 2 na nagpapagaling sa Conner District Hospital.
Habang ngayong araw, nakatakdang bisitahin ng DSWD upang magbigay ng medical assistance sa sampung sugatan na nasa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Bukod sa DSWD, nagbigay rin ang Department of Agriculture Region 2 ng tig-P15,000 sa pamilya ng namatay at nasugatan sa malagim na aksidente.
Aakuin naman ng LGU Rizal ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing ng 18 namatay mula sa Brngy, Lattut.