Pinaalalahanan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang mga kompanya at operator ng mga bus na magsumite na ng kanilang compensation scheme.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Heidi Tarrosa ng RTWPB na mandatory o sapilitan ang pagbuo at pagsumite ng mga kompanya ng bus sa panuntunan ng pasahod sa kanilang mga driver at konduktor.
Nagbabala si Tarrosa na maaaring patawan ng cancellation o matanggalan ng prangkisa ang mga bus operators na hindi susunod sa direktiba ng bagong compensation scheme.
Ang compensation scheme ay inisyu ng Department of Labor and Employment bilang requirement upang mabigyan sila ng “certificate of no pending case” para sa renewal ng kanilang prangkisa.
Matatandaang, Marso-9, 2019 nang simulang ipatupad ang “fixed rate” na sahod ng mga bus driver at konduktor na tulad sa mga benepisyong tinatamasa ng regular employees na kinabibilangan ng retirement package at PhilHealth at social security coverage.