Iniimbestigahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aksidente ng isang pampasaherong bus sa Camarines Sur na ikinasawi ng limang katao.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza, maglalabas ng show cause order (SCO) laban sa bus company upang alamin ang mga dahilan ng aksidente na nangyari alas-3:25 ng madaling araw nitong Lunes sa Andaya Highway, Del Gallego.

Batay sa police report, nakatulog umano ang driver kaya nahulog sa bangin na may tinatayang lalim na 10 metro ang DLTB bus na biyaheng Cubao patungong Gubat, Sorsogon.

Limang pasahero ang nasawi habang 15 iba pa, kabilang ang driver at alternate driver, ang malubhang nasugatan at dinala sa ospital sa Tagkawayan, Quezon.

Lumabas din sa paunang beripikasyon na ang bus ay rehistrado sa Del Motor Works, Inc. at may prangkisa na mag-e-expire sa Marso ng susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng LTFRB na papanagutin ang mga responsable at makikipag-ugnayan sa insurance provider upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima.