
Inihayag ni business tycoon Ramon Ang at ang kanyang kumpanya, ang Petron Corporation – ang pinakamalaking oil refiner at retailer sa bansa, na makikipagtulungan sa pamahalaan sa mga pagsisikap na maibsan ang pasanin ng publiko bunsod ng global oil price shock.
Kasabay nito, nagpahayag pa si Ang ng kahandaan na ibenta ang kanyang kumpanya sa pamahalaan.
Ipinangako ni Ang sa publiko na hindi sila magsasamantala sa krisis sa langis.
Ayon sa kanya, hindi sila kikita ng mahigit sa normal at handa sila na ibaba pa ang kanilang presyo.
Idinagdag pa ni Ang na handa siyang ibenta ang kanyang kumpanya kung sa tingin nila ay mas magaling silang magpatakbo.
Sinabi pa ni Ang na tuloy-tuloy ang kanilang pagbili ng krudo upang matiyak na hindi mawawalan ng suplay ang bansa.
Una rito, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi magandang ideya para sa pamahalaan na pansamantalang pamahalaan ang operasyon ng oil companies sa bansa, dahil kulang umano sa kapasidad ang gobyerno na patakbuhin ang nasa 14,000 fuel station sa buong bansa.










