TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan nang kinukumpuni ang bahagi ng Buntun bridge na nagkaroon ng butas.
Sinabi ni Wilson Valdez, information officer ng Department of Public Works and Highways o DPWH Region 2 na aabutin ng ilang linggo ang repair sa nasabing bukas sa tulay.
Dahil dito, sinabi ni Valdez na hindi muna pinapayagan ang mga sasakyan na may bigat na mahigit 15 tons na dumaan sa nasabing tulay.
Pinayuhan ni Valdez ang mga mabibigat na sasakyan o mga cargo trucks na dumaan muna sa ibang kalsada tulad sa Daang Maharlika para sa mga papasok sa lungsod ng Tuguegarao at iba pang kalsada para sa lalabas ng lungsod.
Kasabay nito, tiniyak ni Valdez na ligtas ang nasabing tulay sa mga dadaan na sasakyan habang ginagawa ang pagkukumpuni dahil hindi naman umano apektado ang integridad ng tulay.
Sinabi ni Valdez na matibay pa ang nasabing tulay dahil sa buhat noong 2020 hanggang 2022 ay nagkaroon ng rehabilitation at retrofitting.
Ayon kay Valdez na ang butas ay dahil sa kalumaan na rin ng tulay.
Binuksan ang Buntun bridge noong 1969 at ito ang itinuturing na gateway sa lungsod ng Tuguegarao.
Samantala, sinabi ni Valdez na may initial na pondo na inilabas para sa gagawing Tuguegarao-Solana bridge at maaaring sisimulan na ito ngayong taon.
Sinabi ni Valdez na ang nasabing tulay ay mas mahaba sa Buntun bridge sa habang 1.6 kilometers habang ang Buntun ay 1, 369 meters.