Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang tugunan ang sitwasyon ng mga mag-aaral sa Nueva Vizcaya na buwis-buhay tumatawid sa rumaragasang ilog gamit ang kable para makapasok sa paaralan.
Sa isang sulat kay DPWH Secretary Manuel Bonoan noong Agosto 17, binanggit ni Angara ang ulat na nagpapakita ng mga estudyante ng Pinayag National High School sa Sitio Macdu, Barangay Pinayag, Kayapa, na naapektuhan ng nasirang tulay dulot ng bagyong Pepito noong Nobyembre 2024.
Aniya, ang pangyayaring ito ay malinaw na paalala sa patuloy na kakulangan sa imprastruktura na nagdudulot ng panganib sa mga kabataan.
Inaasahan ng Department of Education na mas magiging mahigpit ang koordinasyon nila sa DPWH upang makapagtayo ng matitibay na tulay at daan, lalo na sa mga malalayong lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
Binigyang-diin ni Angara na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas at matatag ang mga paaralan at mga daan papunta rito.
Hinihikayat niya ang mga ahensya na magtulungan upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at mapabuti ang access sa edukasyon sa buong bansa.