Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang naging hatol ng korte sa Caloocan laban sa isang pulis na nag-torture at nagtanim ng ebidensiya sa mga kabataan noong 2017, sa kasagsagan ng drug war ng Duterte administration.

Sa 50 pahina na desisyon na isinulat ni Associate Justice Eduardo Ramos Jr., nakasaad na nawala ang kinabukasan nina Reynaldo “Kulot” de Guzman, isang menor de edad, at si Carl Arnaiz, dahil sa sistema na nagpapahintulot ng torture, pagpatay at ang madalas na ginagawang tanim-ebidensiya.

Pinagtibay ng 2nd division ng CA ang hatol noong 2022 ng Caloocan City Regional Trial Court, kung saan napatunayang guilty si Police Officer 1 Jefrey Perez sa maraming kaso, kabilang ang torture at pagtatanim ng ebidensiya.

Ang hatol sa nasabing pulis ay reclusion perpetua at dalawang habang-buhay na pagkakabilanggo na walang parole subalit ibinaba ang danyos para sa bawat pamilya ng mga biktima mula sa P2 million.

Sa pagbasura sa apela ni Perez, pinagtibay ang hatol para sa pag-torture kay Arnaiz, kung saan hinatulan siya na makulong ng anim na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan na pagkakakulong, subalit ang danyos ay ibinaba sa P50,000 bawat isa.

-- ADVERTISEMENT --

Pinatawan naman ng reclusion perpetua si Perez sa pag-toture kay “Kulot” at inatasan na magbayad ng P75,000 na danyos.

Si Arnaiz, na noon ay 19-anyos, ay validictorian sa elementarya, nagtapos siya ng high school sa Makati Science High Scholl, at nakuha siya sa University of the Philippines para sa kolehiyo.

Si De Guzman naman ay 14-anyos, ay nasa ika-limang baitang noon sa Bunga Elementary School sa Pasig City.

Naglalako siya ng mga isda pagkatapos ng klase at naghahalo ng semento sa construction site para suportahan ang kanyang pag-aaral.

Binigyang-diin ng CA sa desisyon na ang mga nasabing insidente ay paalala na hindi kailangan na gumamit ng dahas o pumatay para sa pagkamit ng kapayapaan sa lipunan.