TUGUEGARAO CITY-Sinimulan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kanilang imbestigasyon sa pagbagsak ng Cessna plane sa Isabela.
Ayon kay Mary Sulyn Sagorsor, Area Manager ng CAAP Tuguegarao na papunta na aniya ang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board sa crash site upang imbestigahan ang insidente.
Aniya, ilan sa aalamin ng investigators ng CAAP kung may kaugnayan ang pagbagsak ng eroplano sa weather factor, human error o mechanical problem.
Matatandaan na natagpuan nitong Marso 9 ang watak-watak na bahagi ng eroplano sa slope ng bundok ng Sierra Madre sa Barangay Ditarug, Divilacan, Isabela matapos ang isat kalahating buwan mula nang napaulat na nawawala ito noong Pebrero 24.
Sa kasalukuyan ay nakarating na sa crash site ang retrieval team para maibaba ang mga bangkay ng mga nasawing limang pasahero, kabilang na ang piloto.