Photo credits to TCIO

Tuguegrao City- Isinasaayos na ng Civil Aviation Authority of the Philippines Tuguegarao ang mga ilalatag na panuntunan sa muling pagbubukas ng commercial flights ng Tuguegarao City Airport.

Ayon kay Mary Sulyn Sagorsor, area Manager ng CAAP Tuguegarao, nakipagpulong na sila sa LGU Tuguegarao, DOH, PNP at iba pang mga stake holders upang mapag-usapan ang pagbuo ng One Stop Shop na magiging katuwang sa pagpapatupad ng mga alituntunin.

Kaugnay nito, hahanapan ang mga pasahero ng kaukulang mga dokumento bago makakuha ng tickets at boarding pass.

Aniya, ang mga outgoing passengers ay kailangang magprisinta ng barangay Certificate, travel authority at certificate of acceptance sa pupuntahang lugar.

Magkaibang panuntunan naman ang ipatutupad para sa mga incoming passengers depende kung sila ay kabilang sa hanay ng resident o non resident dito sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Kakailanganin ng mga uuwing residente ng lungsod na magpakita ng affidavit of undertaking na magpapatunay na sila ay susunod sa 14 day mandatory quarantine.

Susunduin din sila ng nakatalagang sasakyan ng LGU at pagkatapos ng ika-anim na araw ay dapat sumailalim sa swab test.

Kung sakaling negatibo ay papayagan na silang sumailalim sa home quarantine.

Sinabi Sagorsor na kung hindi komportable sa nakatalagang quarantine facility ang isang indibidwal ay maaari siyang mag quarantine sa hotel pero sasagutin nito ang gastusin.

Samantala, para sa mga non-resident ay kailangang magbook ng sasakyang susundo sa kanila mula sa airport at sasamahan naman sila ng PNP hanggang sa boundary point ng uuwiang bayan o probinsya.

Ayon pa kay Sagorsor, pansamantala munang bubuksan ang flight sa mga araw ng Lunes at Huwebes upang mapag-aralan ang mga hakbang na dapat pang ipatupad.

Kung magiging maganda ang implimentasyon nito at dumami ang mga pasahero ay saka lamang sila magdaragdag ng iba pa araw ng flights.

Bubuksan ang flights ng Tuguegarao-Manila, Manila Tuguegrao at habang nag-o-operate naman ang inter-region flights sa mga nasa coastal areas tulad ng Batanes, Palanan at Maconacon sa probinsiya ng Isabela

Target muling simulan ang pagbubukas ng flight sa ika-5 ng Marso ngayong taon.