Tuguegarao City- Ipaprayoridad ng pamahalaan na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles, Co-Chairperson ng Inter Agency Task Force for the Management on Emerging Infectious Diseases, ang procurement at roll out ng mga bakuna ay kailangan dumaan sa National Government para sa maayos na sistema.
Ipinunto pa nito ang pagkakaroon ng koordinasyon ng national government sa mga LGUs na may kapasidad na bumili ng bakuna upang pumasok sa kasunduan kasama ng mapipili nilang mga pharmaceutical companies.
Kabilang aniya sa mga maaaring unahin ay ang Metro Manila, Region 3, Region 4A, Cordillera Administrative Region, Central Visayas, Southern Mindanao at isusunod ang mga lugar na may mga mababang kaso.
Kaugnay nito, prioridad din sa mga mabibigyan ng bakuna ay ang mga Medical Frontliner, senior citizens, vulnerable groups bago ang iba’t ibang sektor ng komunidad.
Paliwanag ni Nograles, ang hakbang na ito ay bilang pag-agapay na rin upang matutukan din ng pamahalaan ang mga walang sapat na kakayahang makabili ng bakuna para sa kanilang mga mamamayan.
Sa ngayon ay pinagtutuunan ng pansin din ng pamahalaan ang mga infrastructure projects sa ilalim ng Build Back Better bilang tugon naman sa epekto ng naranasang malawakang pagbaha sa rehiyon.
Magugunitang kahapon ay bumisita si Nograles sa Lungsod ng Tuguegarao at sa bayan ng Amulung upang mamahagi ng ayuda para sa mga naapektohan ng pagbaha.