Inatasan ang Cagayan anti-illegal logging task force na paigtingin ang kampanya kontra sa illegal logging activities sa probinsiya.

Sa 4th quarter meeting ng task force, napag-usapan ang tumambad na mga pinutol na kahoy matapos humupa ang tubig baha sa Brgy.Baua, Gonzaga, Cagayan kamakailan.

Inihayag ni Provincial Administrator Atty.Maria Rosario Villaflor bilang kinatawan ni Gov.Manuel Mamba sa naturang pagpupulong na mayroon pa ring nakakalusot na nagsasagawa ng illegal logging activity na sumisira sa mga kabundukan.

Ito ay sa gitna ng pagpupursige ng Provincial Government ng Cagayan para mapangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng pagpubo ng naturang task force at ang I love Cagayan river movement.

Dahil dito, ipinag-utos ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng mga programa tungo sa pangangalaga sa kalikasan at polisiya sa paglaban sa iligal na pagtotroso

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman naman ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO-Cagayan) na nagsasagawa na ang kanilang tanggapan ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.

Ayon kay Atty. John Mark Paracad, PENRO Cagayan Officer, nagtalaga na sila ng limang grupo mula sa iba’t ibang dibisyon ng kanilang tanggapan para pag-aralan at busisiin kung saan nagmula ang mga naanod na punong-kahoy sa Baua-Wangag River.

Napag-usapan din sa pagpupulong ng task force ang pagbibigay ng gantimpala sa mga magbibigay ng impormasyon sa mga sangkot sa illegal logging activities sa lalawigan.