Naglabas ng kautusan si Cagayan Governor Edgar Aglipay upang buuin ang Provincial Economic Security and Resilience Task Force (PESRTF) at i-activate ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) bilang tugon sa epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.

Ayon sa kautusan, layunin ng task force na pangunahan ang pagpaplano at koordinasyon ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, abono, at iba pang suplay na dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan at pagkagambala sa global supply chain.

Inaatasan ang task force na magsagawa ng real-time monitoring ng presyo ng petrolyo at suplay ng abono, maglabas ng buwanang economic advisories para sa mga LGU, kooperatiba at MSME, at magrekomenda ng mga polisiya at emergency budget measures upang maibsan ang inflation at supply disruptions.

Kasabay nito, inatasan ang PDRRMC na magbukas ng Emergency Operations Center, maglaan ng fuel reserves para sa agrikultura at pangingisda, at gamitin ang Quick Response Funds para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Bumuo rin ng tatlong sectoral working groups para sa agrikultura at food security, transport at logistics, at MSME at lokal na ekonomiya upang maprotektahan ang kabuhayan at suplay ng pagkain sa lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isang pulong balitaan, binigyang-diin ni Aglipay na layunin din ng hakbang na mamonitor ang volume ng supply ng produktong petrolyo sa lalawigan upang maiwasan ang hoarding o pagsasamantala ng ilang negosyante.

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong si Maila Ting-Que, alkalde ng Tuguegarao City, na nagbabala sa mga gasolinahan na umano’y nagsasamantala at labis na nagtataas ng presyo ng kanilang produkto.

Sinabi niy Mayor Ting-Que na maaaring managot ang mga lalabag sa umiiral na patakaran ng Department of Energy at mga lokal na ordinansa kaugnay sa presyuhan ng fuel products.

Ayon pa kay Aglipay, naglaan ang Office of the President of the Philippines ng mahigit ₱836 milyon para pambili ng bigas na ipamamahagi sa mga pinakamahina na mamamayan na posibleng matinding maapektuhan ng krisis.

Kabilang din sa mga tututukan ng executive order ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.

Makikipag-ugnayan ang task force sa mga national agencies upang matiyak ang tulong at seguridad para sa mga OFW na apektado ng sigalot sa Gitnang Silangan, pati na rin sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas na naapektuhan sa pagbawas o pagkaantala ng kanilang padala.

Nabatid na pangungunahan ang task force ng Provincial Administrator ang Task Force kung saan miyembro dito ang iba’t-ibang department heads ng kapitolyo.