TUGUEGARAO CITY-Nanindigan si Cagayan Governor Manuel Mamba na tutol siya na may itatatag na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA site sa lalawigan.

Sinabi ni Mamba na ito ang kanyang iginiit sa kanyang pakikipagpulong kahapon kay Defense Secretary Carlito Galvez.

Kasabay nito, itinanggi ni Mamba ang naging pahayag ni Galvez na pumayag na siya para sa pagtatayo ng EDCA sites at balikatan exercises sa Cagayan.

Ayon sa kanya, ang sinabi niya ay patuloy niyang tututulan ang nasabing plano subalit wala umano siyang magagawa kung ito ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat din ni Mamba na sinabi sa kanya ni Galvez na dalawang EDCA sites ang planong itatatag sa lalawigan bagamat tumanggi siyang banggitin ang mga lugar dahil sa mismong ang pangulo umano ang maghahayag nito sa hinaharap.

Ipinaliwanag ni Mamba na ang kanyang pagtutol sa nasabing proyekto ay dahil sa tiyak na makakaapekto umano ito sa pagkakaibigan sa China na isa sa nakikitang niyang may malaking market para sa mga produkto ng lalawigan lalo na kung matatapos na ang Port of Aparri at kung mabubuksan na ang international airport sa bayan ng Lallo.

Binigyan diin niya na sa halip na maisulong ang economic interest ng lalawigan sa China ay tiyak na hindi magugustuhan ng nasabing bansa ang pagtatayo ng EDCA sites.