TUGUEGARAO CITY-Naiproklama na ng Provincial Board of Canvassers si Cagayan Governor Manuel Mamba na muling uupong gobernador sa lalawigan para sa kanyang ikalawang termino.
Si Mamba ang nanguna mula sa kanyang dalawang nakatunggali sa halalan na sina Randy Ting at Alvaro Antonio na nakuha ng boto sa kabuuang 256,103.
Sa naging panayam kay Mamba, kanyang ipinangako na muling papaigtingin ang kanyang ginawang reporma at mga serbisyo na kanyang nagawa sa kanyang unang termino.
Ayon kay Mamba ,gagawin umano niya ang lahat para tuluyang baguhin ang Cagayan tungo sa kagandahan.
Kaugnay nito, nanawagan si Mamba na ipasa na ang annual budget para mapag-usapan ang mga proyekto na paglalaanan.
Samantala, naiproklama narin ang mga uupo sa Sanguniang Panlalawigan na kinabibilangan nina Rodrigo De Asis , Pastor Ross Rossuello, Mila Lauigan at Perla Tumaliuan para sa 3rd District,Al Llopis ,Archie layus at Vilmer Villoria sa 2nd District at AJ Ponce,Cris Barcena at Wilson Pascual ng 1st District.
Maging ang nanalong congresswoman ng 2nd district na si Sam vargas Alfonso at congressman Jojo Lara ng 3rd district ay naiproklama narin kagabi.
Inaasahan naman ngayong araw ang proklamasyon ni Vice Governor Melvin Vargas.