Binigyang diin ni Governor Manuel Mamba na balakid sa pag-unlad ang planong pagtatayo ng karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites dito sa lalawigan ng Cagayan.
Muling iginiit ng gobernador ang hangarin nito na mai-konekta ang lalawigan ng Cagayan sa mga karatig na bansa gaya ng China sa pamamagitan ng muling pagbubukas sa Port of Aparri para makahimok pa ng mga investors na maglagak ng kanilang negosyo sa lalawigan na makakatulong sa mga mamamayan na maingat ang kanilang pamumuhay.
Saad niya dahil sa EDCA sites na planong ipatayo sa probinsiya ng Cagayan ay mag-uudyok lamang umano ito ng giyera na aniya’y pakana ng Amerika dahil sa negosyo nitong pagbebenta ng armas.
Dahil dito, nanawagan ang gobernador sa bawat mamayang Cagayano na samahan siyang tumindig laban sa paglalagay ng dagdag na EDCA sites sa probinsiya dahil kung nagkataon ay ang lalawigan ang unang bobombahin ng mga bansang kalaban ng Amerika dahil sa presensiya ng US military base at walang kalaban-laban dito ang probinsiya.
Inihalimbawa nito ang kasalukuyang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia dahil sa pakiki-anib ng Ukriane sa kalabang bansa ng Russia.
Nitong araw ng lunes ay tinukoy ng Malakanyang ang apat na lokasyon na panukalang pagtatayuan ng karagdagang EDCA sites kung saan ay dalawa dito sa Cagayan na ang mga ito ay sa Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan at Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan.
Kabilang din sa tinukoy na sites ay ang Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan.
Layunin umano ng mga nasabing lokasyon na magamit sa humanitarian at relief operations sa panahon ng emergency at natural disasters subalit hindi kumbinsido dito ang gobernador dahil maaari pa umano itong pagmulan ng korapsiyon.