TUGUEGARAO CITY – Labing-anim na bus na mula sa Manila ang stranded ngayon sa bayan ng Amulung.

Hindi pinayagan na makadaan ang mga nasabing bus dahil sa hanggang baywang na taas ng tubig baha sa kalsada.

Kaninang umaga pa nakarating ang mga nasabing bus sa nasabing bayan at posibleng magpapalipas ng gabi sa lugar dahil walang senyales na huhupa ang tubig baha.

Dahil dito, kanya-kanyang diskarte ang mga pasahero na papunta naman sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

May iba na sumakay na sa mga kuliglig para makatawid at makauwi na.

-- ADVERTISEMENT --

Ang iba naman ay isinakay kanina lamang sa Russian truck ng rescue team.

Subalit pagdating naman sa bayan ng Alcala ay muli silang na-stranded dahil pa rin sa nabahang daan na hanggang sa dibdib na ang taas.

Bangka naman ang ginagamit ng mga rescuers para maitawid ang mga pasahero.

Samantala nakatanggap ang mga stranded ng relief goods mula sa rescue team dahil sa ilang oras na paghihintay.

May mga stranded din sa Sta. Praxedes na mula naman sa Ilocos Region at mga papasok ng lalawigan dahil sa naputol na kalsada bunga ng soil erosion.

Samantala, idineklara na ang state of calamity sa Cagayan matapos ang isinagawang special session ng Sangguniang Panlalawigan na nag-apruba sa nasabing resolusyon.