Sinita ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang napansing paglobo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS tuwing may eleksyon.

Sa deliberasyon para sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 2026, tinukoy ni Lacson na hindi hamak na mas malaki ang pondo ng AICS tuwing eleksyon kumpara noong panahon na may pandemya.

Noong 2020 ay nasa ₱18.2 billion ang AICS fund habang noong 2022 elections ay lumobo ito sa ₱39.7 billion at ngayong 2025 midterm elections ay tumaas ito sa ₱44.44 billion.

Tuwing mamamahagi rin aniya ng AICS ay palaging may kongresista o senador na kasama na malinaw na politika at hindi pagtulong ang talagang pakay ng programa.

Kabilang naman sa napansin na top 10 sa pinakamalaking bigayan ng AICS ang mga sumusunod na lugar:

-- ADVERTISEMENT --
  1. Davao City 2nd District
  2. Davao 1st District
  3. Batangas first District
  4. Antique lone District
  5. Bukidnon third District
  6. Cagayan 2nd District
  7. Cagayan 3rd District
  8. Albay 2nd District
  9. Pampanga 3rd District
  10. Zamboanga City 2nd District

Iginiit ni Lacson na tigilan na ang pakikialam ng mga politiko sa AICS at ipaubaya ito sa DSWD.