Opisyal ng idineklara ang probinsiya ng Cagayan bilang malaria free matapos hindi magkaroon ng kaso nito sa nakalipas na limang taon.
Ayon kay Engr. Felizardo Taguiam, ang Provincial Malaria Program Coordinator ng Provincial Health Office (PHO) Cagayan, mula noong 2016, walang naitalang lokal na kaso ng malaria sa buong lalawigan, kaya’t itinuring na itong malaria-free.
Sinabi ni Taguiam na nagsagawa ang Department of Health (DOH) ng mga pagsusuri sa mga munisipalidad, probinsiya, at national level upang tiyakin na wala nang kaso ng malaria sa Cagayan.
Noong December 6, 2023, nagsagawa ang DOH Technical Working Group ng isang national assessment at napatunayan na sa lahat ng mga dokumentong ipinrisinta ay wala na umanong malaria cases sa Cagayan.
Bukod sa Cagayan, idineklara ring malaria-free ang mga probinsiya ng Isabela, Zambales, Nueva Ecija, Davao del Norte, at Zamboanga del Sur.
Ayon kay Taguiam, taong 2016 ng huli umanong makapagtala ng kaso ng malaria ang probinsiya, kung saan dalawa dito ay mula sa bayan ng Allacapan at tatlo sa Calayan Island.
Dagdag pa nito na hindi naging madali at naging mahaba ang proseso bago nila nakamit ang malaria-free status, lalo na noong dekada 1990 nang umabot sa higit 6,000 ang mga kaso ng malaria sa probinsiya.