Naka- red alert na ang Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO) ng Cagayan sa inaasahang pag-landfall ng bagyong Falcon na sa kasalukuyan ay nasa storm warning signal number 2 ang northeastern Cagayan.
Simula kaninang madaling araw ng Martes, nakakaranas na ang lalawigan ng walang tigil na pag-ulan habang nagsimula na ring tumaas ang lebel ng tubig sa Chico river.
Ayon kay retired Col. Atanacio Macalan, Jr, head ng PCCDRRMO, nakahanda na ang mga kagamitan at personnel, maging ang pitong istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan sa magiging epekto ng bagyo.
Inalerto na rin ng pamahalaang panlalawigan ang grupong “Agkay-kaysa” sa bawat Barangay kung saan pinag-iingat ang mga nakatira sa lugar na apektado ng matinding pag-ulan bunsod ng inaasahang mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Partikular na mahigpit na binabantayan ang Cagayan river, mga landslide at flood prone areas kasama na ang mga coastal towns sa lalawigan.
Nakipag-ugnayan na rin ang provincial government sa Provincial Social Welfare and Development Office para sa ipapamahaging relief goods kung kinakailangan.
Samantala, nasa 20 pasahero ang stranded sa pantalan sa bayan ng Aparri dahil sa sama ng panahon ayon sa Philippine Coast Guard.
Sinabi ni Seaman 2nd class Mark Cristian Abelleda ng PCG-Aparri, ang mga pasahero ay pansamantalang nanunuluyan sa Calayan Dorm sa Aparri na hindi pinayagang makabiyahe papuntang Calayan at Camiguin island.
Inabisuhan din ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil masama ang panahon.
Nauna na ring nagsuspendi ng pasok sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Calayan at Lasam bukas, July 17 dahil sa pag-ulan na dulot ng bagyo.