Nagdeklara na ng red alert status ang Office of the Civil Defense Region 2 sa Cagayan kaugnay sa bagyong Enteng, kung saan ilang bayan na ang nakataas ang storm signal no. 2 habang ang iba pa ay signal no. 1.
Dahil dito, sinabi ni Arnold Azucena, head ng Task Force Lingkod Cagayan na nakaalerto ang lahat ng pitong stations ng kanilang tanggapan at nagsasagawa na ng monitoring sa kani-kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Azucena na nakahanda na rin ang kanilang floating assets at iba pang kagamitan at naka-standby na rin ang mga rescuers para sa posibleng rescue operations.
Nagbigay na rin sila ng babala sa mga mamamayan na nasa gilid ng mga ilog at mga bundok na maging alerto at lumikas kung kinakailangan.
Idinagdag pa niya na nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Coast Guard para matiyak na walang lalabag sa ‘no sail policy’ bunsod ng sama ng panahon.
Sa ngayon ay normal pa ang sitwasyon sa lalawigan, maliban sa nararanasan na mahinang mga pag-ulan.
Samantala, nabasa ang mga ibinilad na mga mais ng ilang magsasaka sa ilang kalsada dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa akalang hindi uulan kagabi.