TUGUEGARAO CITY-Nasa ilalim na ng state of calamity ang lalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Board Member Rodrigo De Asis ng 3rd district na inapruhan ng mayorya ng mga miembro ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Manuel Mamba batay sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO na isailalim sa state of calamity ang lalawigan bunsod ng malawak at malaking iniwang pinsala ng magkasunod na bagyo na Neneng at Obet.
Ayon kay De Asis, may inilaan na pondo na P29m para sa pitong bayan na higit na naapektohan ng mga bagyo.
Sinabi ng bokal na ang nasabing pondo ay gagamitin para mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka, mangingisda at sa social services.
Ayon kay De Asis, batay sa presentasyon ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO, 16, 000 na magsasaka at mga mangingisda ang naapektuhan sa kalamidad.
Idinagdag pa ni De Asis na may listahan naman ang Office of the Provincial Agriculture ng mga magsasaka na dapat na makatanggap ng financial assistance.
Kaugnay nito, sinabi ni De Asis na batid niyang kulang na kulang ang nasabing pondo para sa sapat na tulong sa mga naapektohan ng mga bagyo.
Dahil dito, sinabi niya na maaari namang humingi ng karagdagang tulong sa national government tulad ng Department of Agriculture, DSWD at iba pang line agencies at maging sa mga mambabatas.
Inaprubahan ang resolusyon under suspended rules ng Sangguniang Panlalawigan kahapon.
Samantala, umaabot sa mahigit P462m ang iniwang pinsala sa agrikultura at sa mga pasilidad na sakop ng National Irrigation Admninistration ng bagyong Maymay at Neneng sa lalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Engr. Minda Battung, manager ng Batanes-Cagayan NIA, mahigit P134m ang halaga ng nasirang irrigation at communal canals at 1, 157 hectares na pananim na palay at iba pa ang nasira kung saan 1, 314 na magsasaka ang naapektohan.
Ayon sa kanya, mahigit P75m ang nasirang mga pananim habang mahigit P60m sa mga pasilidad ng NIA sa pananalasa ng bagyong Neneng.
Sa pananalasa naman ng bagyong Maymay, umaabot ito sa mahigit P130m ang halaga ng pasilidad na nasira, mahigit P198 m sa mga pananim na pagmamay-ari ng mahigit 2, 000 farmers.
Kaugnay nito, sinabi ni Battung na prayoridad ngayon ng tanggapan ang mga pasilidad na kailangan na maayos gamit ang kanilang resources at mga kagamitan.
Subalit, sinabi niya na hihingi sila ng karagdagang pondo at tulong sa NIA central office upang mapabilis ang rehabilitasyon sa mga nasirang pasilidad na hindi kaya ng kanilang resources.