Itinaas na sa blue alert status ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa probinsya ng Cagayan simula kaninang ala-una ng hapon dahil sa paparating na bagyong Kiko at posibleng epekto ng bagyong Jolina.
Inalerto na rin ang mga Local Disaster Risk Reduction Management Officers sa lahat ng mga LGUs sa lalawigan, kabilang ang island municipality ng Calayan.
Nakahanda na rin ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng kalamidad.
Kasabay nito ay pinangunahan ni Calayan Mayor Joseph Llopis ang pulong ng MDRRMO kung saan pinagiingat ang lahat lalo na ang mga taong nakatira sa mga flood prone areas pati na rin ang mga nakatira malapit sa dagat kaugnay sa papalapit na bagyo.
Bukod dito, pinaalalahanan ang mga mamamayan sa Gale warning at ipinagbawal na rin ang pangingisda at paglayag sa karagatan at sinabihan na rin ang may ari ng mga bangka na isaayos na ang mga ito.
Una nang inabisuhan ng Office of the Civil Defense Region 2 ang Batanes at mga bayan sa Cagayan na posibleng tatamaan ng bagyong ” Kiko” para sa kanilang paghahanda.
Sa monitoring ng OCD, maulap at may pabugso-busong pag-ulan ang nararanasan ngayon sa Batanes at lalawigan ng Cagayan.