Pinaghahandaan na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang posibleng epekto ng bagyong Rosal sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PDRRMO Head Rueli Rapsing na kasunod ng Pre-Disaster Risk Assessment o PDRA na isinagawa ng OCD-RO2 ay isasagawa rin ang kahalintulad na pagpupulong sa mga Local-DRRMO ng iba’t-ibang munisipalidad ng probinsya upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa buong lalawigan.
Bagamat wala pang direktang epekto sa lalawigan ang Tropical Depression Rosal, tiniyak ni Rapsing na patuloy na nakasubaybay ang bawat LGU sa galaw ng bagyo.
Dagdag pa niya na ang mga pag-ulang nararanasan sa Cagayan ay dahil sa epekto ng shearline o ang pagsasalubong ng malamig na amihan at mainit na easterlies lalo na sa silangang bahagi ng Luzon na nagdudulot ng maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan.
Kaugnay nito, sinabi ni Rapsing na bagamat nakaranas ng pagbaha nitong mga nakaraang araw sa bayan ng Sta Ana, Lal-lo, Penablanca at Baggao dahil sa naturang weather disturbance ay wala naman itong iniwang pinsala.
Gayunman, pinaalalahanan ni Rapsing ang bawat residente na maging alerto lalo na sa mga flood at landslide prone areas lalo at may paparating na bagyo.