TUGUEGARAO CITY-Bubuo ng tracker team ang Cagayan-PNP para sa paghuli ng mga presong unang napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na bigong sumuko sa mga otoridad sa ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtapos kahapon.
Ayon kay Police Capt. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Cagayan-PNP, mas papaigtingin nila ang paghahanap sa 19 na convicts na bigong sumuko para mahuli ang lahat ng mga ito.
Kanya ring nilinaw na hindi 29 sa halip ay 31 ang kabuuang preso na napalaya dahil sa GCTA law sa Cagayan.
Aniya, mula sa 14 na bayan ang 31 presong napalaya kung saan walo ay mula sa Tuguegarao City, tig-tatlo sa bayan ng Tuao, Amulung, Sanchez Mira, Solana ,tig-dalawa naman sa Buguey, Abulug at tig-isa sa Sto niño, Aparri, Peñablanca, Gattaran, Sta ana, Sta Teresita at Piat
Samantala,nilinaw ni Mallillin na hindi nila ipapatupad ang “shoot to kill” na una ng naging order ng pangulo sa mga bigong susuko dahil bawat tao ay may karapatang mamuhay.
Siniguro rin nito na walang nakalabas ng bansa mula sa 19 na presong pinaghahanap.