Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mananatili sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status ang lalawigan ng Cagayan.

Itoy matapos nagdulot ng kalituhan sa publiko ang anunsiyo kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa ipatutupad na community quarantine sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ruperto Maribbay, provincial director ng DILG-Cagayan na hindi kasama ang Cagayan sa isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, May-15 hanggang May-31 base sa inilabas na resolusyon ng National-IATF.

Dahil dito, sang-ayon sa resolusyon na inilabas ng IATF noong May 9, 2021, mananatili ang buong lalawigan sa MECQ status hanggang May 23, 2021.

Kaugnay nito, muling nag-paalala si Maribbay na sa ilalim ng MECQ, tanging essential travelers o mga Authorized Person Outside of Residence (APOR) lang ang papayagang bumiyahe.

-- ADVERTISEMENT --

Dapat din sumunod sa mga regulasyon at requirements ng mga lokal na pamahalaan.