

Muling tumaas sa 3,745 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Region 2, matapos makapagtala ng 410 panibagong kaso ang Department of Health Region 2 nitong Sabado, May 29.
Sa official COVID-19 bulletin, iniulat ng DOH Region 2 na pumalo na sa kabuuang 43,276 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon magmula noong Marso 2020.
Pinakamataas na may aktibong kaso ang naitala sa lalawigan ng Cagayan sa bilang na 1,651; kasunod ang lalawigan ng Isabela na mayroong 1,380 new cases; Nueva Vizcaya sa 531 new cases; Quirino sa 126 new cases; at Santiago City na mayroong 57 new cases.
Samantala, 262 panibagong paggaling naman ang naitala sa rehiyon habang 22 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.
Sa ngayon, umabot na sa 38,438 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling habang 1,081 naman ang bilang ng mga pumanaw.
Samanatala, ang lalawigan ng Cagayan ay nasa kategorya ng High Risk sa ‘Epidemic Risk Classification’ kung saan ang Average Daily Attack Rate nito ay tumaas sa nakalipas na dalawang linggo o mula May 16-29 kumpara sa datos nito mula May 1 hanggang May 15.
Nananatili ang Tuguegarao City sa may pinakamataas na Average Daily Attack Rate sa bilang na 31.63.
Patuloy naman ang pagbibigay ng paalala sa publiko na palagiang sundin ang minimum health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.




