Tugeuagarao City- Nababahala ngayon ang Cagayan Provincial Health Office (CPHO) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng local transmission sa lalawigan bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam kay Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer, patuloy umano ang pagdami ng mga nahahawaan ng virus lalo na sa lungsod ng Tuguegarao.

Aniya, sumampa na sa 434 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng sakit sa Cagayan kung saan 98 ngayon ang active cases at 78 dito ang mula sa Tugeuagaro City habang ang 20 ay mula sa iba’t ibang munisipalidad sa probinsya.

Paliwanag ni Dr. Cortina, sa kanilang ginagawang contact tracing ay lumalabas na ang ilan sa mga nagpositibo sa bayan ng Enrile at Solana ay konektado sa ibang mga pasyente mula sa Tuguegarao.

Dahil dito ay masusi aniya nilang pinag-aaralan ang track ng hawaan at isa sa nakikitang dahilan nito ay ang pagdaraos ng mga social gatherings.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin pa ni Dr. Cortina na wala ng pasyente pa ang dapat na sumailalim sa home quarantine na nagdudulot ng mataas na tiyansa ng pagkahawa ng buong pamilya.

Gayonman, hangga’t maaari aniya ay dapat din sanang higpitan pa ng LGU Tuguegarao ang quarantine classification ng lungsod upang macontain ang pagdami ng local transmission.

Sinabi niya na sa buong probinsya ng Cagayan ay tanging ang bayan na lamang ng Sta. Teresita at Sta. Praxedes ang hindi pa napapasok ng virus.