TUGUEGARAO CITY- Aminado ang Provincial Health Office na mahihirapan ang lalawigan ng Cagayan na maabot ang target na bilang ng mababakunahan sa ilulunsad na tatlong araw na National Vaccination program kontra COVID-19.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina ng PHO, target na mabakunahan ang mahigit 64,000 Cagayano bawat araw sa National Vaccination Day program na planong gawin mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Ilan sa nakikitang hadlang sa pag-abot ng bilang ng target na mabakunahan ay sa suplay ng bakuna na nangangailangan ng 200,000 doses, kakulangan ng vaccination team na mayroon lamang kabuuang 105 at ang vaccine hesitency o ayaw magpabakuna.
Gayunman, sinabi ni Cortina na patuloy ang kanilang paghahanda at hinihingi nito ang tulong ng mga pribadong sektor at lokal na pamahalaan.
Umapela ito sa publiko sa mga nais mag-volunteer sa mga vaccination sites na magsabi lamang ng kanilang interes sa mga RHUs o mga ospital at maging sa opisina ng PHO hanggang Linggo.
Maliban sa Gamaleya vaccine, sinimulan na rin ng PHO na ibaba sa mga RHUs at district hospitals ang mga bakuna para sa 2nd dose bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bakuna sa lalawigan na gagamitin sa nationwide vaccination.
Patuloy naman ang panawagan ng PHO sa publiko na samantalahin ang iniaalok na bakuna habang libre pa itong ibinibigay ng pamahalaan.
Bahagi rin aniya ito ng pagluluwag ng pamahalaan sa pagbiyahe, lalo na sa mga kumpleto na ang bakuna kung saan posibleng magkaroon ng patakaran para sa paghihigpit sa galaw ng mga hindi pa bakunado.
Binigyang diin ni Cortina na kahit anong brand ng bakuna ay epektibo at ligtas gamitin na nakatutulong para maiwasan ang malubhang kaso at pagkamatay dahil sa COVID-19.
Samantala, base sa pinakahuling datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ng Cagayan, kahapon ay bumaba pa sa 287 ang aktibong kaso ng virus at walang naitalang namatay.
Mayroon na ring tatlong bayan sa lalawigan ang COVID-19 free na kinabibilngan ng Pamplona, Isla ng Calayan at Tuao.