Lubog sa tubig baha at hindi madaanan ang isang kalsada at tatlong tulay sa ilang bayan sa lalawigan ng Cagayan dahil sa ulang dulot ng bagyong Jenny.

Ayon kay Ret. Col. Anatacio Macalan, head ng Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction and Management Office (PCCDRMO), sarado sa motorista ang isang lansangan sa Tuguegarao City, Tawi Bridge sa bayan ng Peñablanca, Abusag at Bagunot bridge sa bayan ng Baggao dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Cagayan river.

Patuloy namang minomonitor ng ahensya ang lebel ng tubig sa Cagayan river, bagamat malayo pa ito sa critical level.

Inaalam na rin ng ahensiya ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura.

Kinumpirma rin ni Macalan na may pasok na sa pre-school hanggang senior high school bukas, August 29 at binawi na rin ang liquor ban sa lalawigan

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, aabot sa mahigit isang libong katao sa rehiyon dos ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD RO2, may 280 pamilya o 1,129 indibidwal ang isinailalim sa pre-emptive evacuation na nabigyan ng family food packs.

Ang lalawigan ng Isabela ang may mataas na bilang ng mga inilikas sa 248 na pamilya na sinundan ng Cagayan, Quirino at Nueva Vizcaya.

Kinumpirma naman ni Brian De Vera ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga inilikas.

Sinabi ni De Vera na ibinaba na rin ngayong hapon sa white alert ang status ng mga Local Disaster Risk Reduction Management Offices sa rehiyon matapos lumabas sa PAR ang bagyo.