Naka-standby na ang mga paaralan bilang alternatibong evacuation area matapos na sumabay ang pagsalanta ng bagyong Ambo sa COVID-19 pandemic na nagbabanta sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Ret. Col. Atanacio Macalan, Jr., head ng Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction Management Council (PCCDRMC) na agad nakipag-ugnayan si Gov. Manuel Mamba sa pamunuan ng Department of Education – Cagayan para gawing pansamantalang evacuation center ang mga eskuwelahan matapos na itinaas sa red alert status ang Region 2 dahil sa bagyo.
Paliwanag ni Macalan na ginawa kasing COVID-19 quarantine area ang mga evacuation center ng pamahalaang panlalawigan at ayaw ng gobernador na paghaluin ang mga posibleng evacuees sa mga sumasailalim sa 14-day quarantine.
Una rito, nanawagan ang Department of Health (DOH) Region 2 sa mga Local Government Units na i-observe pa rin ang mga protocols o guidelines para malabanan ang posibleng pagkalat ng virus habang pinaghahandaan ang posibleng hagupit ng bagyo.
Nakatakda na rin umanong i-deploy ang floating assets ng kapitolyo para agad na makapag-responde ang mga ito sa mga low lying areas sakaling makaranas ng pagbaha.
Samantala, nararanasan na ang pabugsu-bugsong ulan sa lalawigan ng Cagayan na nasa ilalim ng signal number 1 na dulot ng bagyo.
Sa lalawigan ng Nueva Vizcaya na nasa ilalim ng Signal number 2 ay sinuspendi ang pasok sa tanggapan ng pamahalaan maliban sa mga front line workers ngayong may banta ng sama ng panahon.
Tinatayang maramdaman ang epekto ng sama ng panahon bukas, araw ng Sabado.