Isinailalim na sa red alert status ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong “Nando.”
Batay sa Memorandum Order No. 107, series of 2025 na nilagdaan ni Office of Civil Defense (OCD) Region 2 Regional Director Leon DG Rafael, Jr., epektibo ang red alert status simula pa kahapon, Setyembre 20, 2025.
Kaugnay rito, inatasan ang lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) na mag-monitor sa kanilang mga nasasakupan at istriktong ipatupad ang “no sailing, fishing, and swimming” policy sa mga baybayin ng rehiyon.
Nakasaad din sa memorandum na kailangang magsumite ang lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) ng kanilang preparedness measures at incident monitoring reports.
Sa ilalim ng kautusan, activated na rin ang “Charlie Protocol,” na nangangahulugang nakahanda na ang piling response clusters at iba’t ibang rescue assets ng CVRDRRMC para tumugon sa anumang posibleng epekto ng bagyo.
Samantala, sa lalawigan ng Cagayan, nakahanda at nakaantabay na ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pitong istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan–Quick Response Team (TFLC-QRT), kasama ang mga MDRRMO, at iba pang miyembro ng konseho sa mahigpit na pagmamanman sa kani-kanilang lugar.