Itinaas na sa blue alert status ang rehiyon dos matapos isailalim sa Signal No. 1 ang Batanes at Babuyan island dahil sa bagyong Onyok.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi Ronald Villa ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na activated na activated na ang operation center ng Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council para kaagad tumugon sa mga kailangan kaugnay sa bagyo.
Inirekomenda rin ang paghahanda sa lahat ng local disaster groups mula provincial, municipal at barangay levels sa kani-kanilang lugar sa kasagsagan ng matinding pag-ulan.
Sa ngayon mahigpit na minomonitor ng OCD ang mga landslide at flood prone areas sa buong lambak ng Cagayan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Villa ang paghahanda ng relief goods.
Samantala, magdudulot ang trough ng Bagyong Onyok ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan at thunderstorms sa Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte hanggang Lunes ng umaga.
Sinabi ng PAGASA na malabong tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyo.
Ayon pa sa weather bureau, posibleng lumabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR), Lunes ng gabi, September 30.