

TUGUEGARAO CITY- Kinumpirma ng Department of Health Region 2 na may anim na kaso ng omicron variant ng covid-19 at nasa critical level na ang lambak ng Cagayan.
Sinabi Ma. Angelica Taloma, medical officer III ng DOH Region 2 na ang apat na kaso ay returning OFWs na ang dalawa ay mula sa Isabela, isa sa Nueva Vizcaya at isa sa Quirino habang ang dalawa ay local cases na mula sa Cagayan.
Gayonman, sinabi ni Taloma na recovered na ang mga nasabing pasyente kung saan nagsimula silang nag-isolate noong Disyembre at ang resulta ng kanilang genome sequencing ay lumabas noong January 14.
Kaugnay nito, sinabi ni Taloma na nasa critical risk category ang Region 2 maliban lamang sa Batanes dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng covid-19.
Sa pinakahuling datos ng DOH Region 2 noong January 17, sinabi ni Taloma na may 6,200 active cases ang rehion, 672 ang new cases at may 10 na bagong covid-19 related deaths.
Ayon pa kay Taloma, may isang araw na nakapagtala ang rehion ng 1, 000 na kaso sa isang araw.
Dahil dito, pinayuhan ni Taloma ang publiko na agad na mag-isolate kung may sintomas ng virus at magpabakuna upang may proteksion sa nasabing sakit.









