
Ipinahayag ni Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), ang kasiyahan at pasasalamat sa muling pagkilala sa naturang ospital bilang isa sa mga “World’s Best Hospitals” para sa taong 2026, na inilathala ng Newsweek.
Ayon kay Dr. Antonio, ang pagkilalang ito ay bunga ng masusing pagsusuri at matibay na dedikasyon ng buong staff ng CVMC.
Nakamit nila ang ikalabing-syam na pwesto sa pambansang ranking, na may score na 72%.
Sa humigit-kumulang 30 hospital sa Pilipinas, ang CVMC ang natatanging regional hospital sa Region 2 na nakapasok sa listahan, at pang-apat sa lahat ng DOH hospitals sa bansa.
Ipinaliwanag ni Antonio na ang kanilang tagumpay ay resulta ng masigasig na pagtutulungan at pagpupursige upang mapanatili ang mataas na kalidad ng serbisyong medikal, kaligtasan, at karanasan ng mga pasyente.
Kasama sa naging proseso ng pagsusuri ang paggamit ng matrix na sumasaklaw sa feedback mula sa mga pasyente at ang pagpapabuti sa turn around time ng mga proseso sa ospital.
Dagdag pa niya, ang pagkilala ay isang patunay na ang CVMC ay lumalampas sa karaniwang pamantayan at patuloy na nagbibigay ng dekalidad na pangangalaga hindi lamang sa rehiyon kundi pati na rin sa mga karatig na probinsya gaya ng Kalinga at Apayao.
Malaki rin ang pasasalamat ng CVMC sa mga pasyente na patuloy na nagtitiwala sa kanilang serbisyo.
Aniya, ang kanilang mission ay hindi lang para sa mga parangal, kundi upang mas mapabuti pa ang serbisyo at maiparamdam sa bawat pasyente na sila ay kanilang pamilya na dapat alagaan nang buong puso.
Inaasahan ni Antonio na ang pagkilalang ito ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang patuloy na paghahangad na mas mapabuti pa ang kalidad ng serbisyo medikal, at mas mapalapit sa kanilang pangakong “quality care close to you.”
Kasabay nito, pinuri niya ang mga empleyado at mga partner agencies na tumutulong sa kanilang mga outreach programs at serbisyo sa mga malalayong komunidad.
Binigyang-diin ni Dr. Antonio na ang kanilang patuloy na pagsusumikap ay nakatuon sa pagbibigay ng dekalidad na pangangalaga, abot-kaya at malapit sa puso ng bawat Pilipino, lalo na sa mga nasa Region 2.










