Pumangatlo ang Cagayan Valley sa mga rehiyon sa bansa na may pinakamaraming bilang ng mga indibidwal na nakatanggap na ng kanilang bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Grace Santiago, Regional Director ng DOH Region 2, umabot na sa 2.2 milyon na indibidwal ang nakakumpleto ng dose ng kanilang bakuna mula nang simulan ang COVID-19 vaccination roll-out habang nasa halos 280,000 ang nabakunahan na ng booster shot.

Ang nasabing bilang ay katumbas ng 84% ng kabuuang 2.6 milyon adult population ng rehiyon na dapat mabakunahan upang makamit ang 70% herd immunity.

Habang 73% naman para sa target na 80% o 3 milyon population, kasama na ang 5-11 years old kung saan mahigit 33,000 na ang nababakunahan mula sa kabuuang 531,000 na bilang ng naturang age group.

Dagdag pa ni Santiago na dalawang bata lamang na nabakunahan ang nakaranas ng side effect gaya ng lagnat, pagkahilo at pananakit ng bahagi ng ineksyon at maituturing itong normal.

-- ADVERTISEMENT --

Tuloy-tuloy naman aniya ang isinasagawang pagbabakuna at patuloy rin ang pagdating ng suplay nito kung kaya hinihikayat ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na habang ang mga fully vaccinated ay magpa-booster shot na para sa karagdagang proteksyon.

Sa ngayon ay patuloy ang downtrend sa COVID cases sa rehiyon dahil sa mataas na vacination rate ngunit kailangan pa ring sumunod sa health protocols upang maiwasan ang muling paglobo nito.