Puspusan ang paghahanda ng Rehiyon Dos sa posibleng epekto ng bagyong Leon.

Sa lalawigan ng Batanes na kamakailan tinamaan ng bagyong Julian ay nagsagawa na sila ng pre-disaster risk assessment at pinaaalalahanan na rin ng mga otoridad ang mga residente na itali ang mga bahay at maglagay ng “tapangko” sa mga bintana.

Pinagbawalan na rin na pumalaot ang mga mangingisda at pinayuhan ang mga residente na ilagay na sa ligtas na lugar ang mga bangka at maging ang mga alagang hayop.

Pinaalalahanan din ang mga pamilyang hindi pa rin naisasaayos ang bahay o mga nakatira sa bahay na gawa sa light materials at mga nakatira sa mga coastal areas sa Batanes na lumikas sa ligtas na lugar.

Sinuspinde na rin ni Batanes Governor Marilou Cayco ang klase sa lahat ng antas at pasok sa mga sangay ng gobyerno sa buong probinsiya, simula ngayong araw ng Martes hanggang October 31, Huwebes.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit naman na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang Liquor Ban sa buong Lalawigan ng Isabela, dahil sa banta ng Bagyong Leon.

Umiiral din ang liquor ban sa bayan ng Lal-lo, Cagayan kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa lahat ng tindahan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga residente habang humaharap sa epekto ng bagyo.

Inalerto rin ang mga naninirahan malapit sa coatal areas ng Batanes at Calayan, Cagayan dahil sa posibleng pagkakaroon ng matataas na storm surge kung kayat pinayuhan ang publiko na iwasan muna ang mga marine activities para maiwasan ang kapahamakan

Nakataas ang signal number 2 sa lalawigan ng Batanes, Cagayan, Apayao, at ilang bahagi ng Isabela, Kalinga at Abra dahil sa bagyong Leon.