Inalerto Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction Management Council ang mga Local Disaster Risk Reduction Management Offices ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan kaugnay sa nagbabadyang pananalasa ng bagyong Paeng sa rehiyon.

Sa inilabas Memorandum na pinirmahan ni OCD Regional director at CVRRMC Chairperson Leon DG Rafael para sa mga miyembro ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction Management Council, Chairpersons ng Provincial, City at Municipal DRRMC sa lambak cagayan, ipinaalala nito ang mahigpit na pagpapatupad ng no fishing, no sailing at no swimming habang nagbabanta ang sama ng panahon at may umiiral na gale warning.

Ayon sa PAGASA ay umiiral ang gale warning sa karagatang sakop ng northern luzon.

Nakapaloob din sa direktiba ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment meeting at iba pang preparedness activities gaya ng pag-imbentaryo ng mga pangunahing pangangailangan sa panahon ng kalamidad gaya ng mga supply ng gamot, relief goods at response asset katulad ng mga personnel at equipment.

Pinatitiyak din ng council sa mga LGU’s na naka-preposition ang mga relief supplies kasama ang mga response asset na agad tutugon sa oras ng emergency.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaalala rin sa mga kinauukulan na dapat nakahanda ang ligtas na evacuation center at sa mga local chief executives na magpatupad ng pre-emptive evacuation at magkansela ng pasok sa mga paaralan at trabaho kung kinakailangan para sa kaligtasan ng mga mamamayan

Batay sa pagtaya ng pag-asa, may posibilidad umano na tatama sa kalupaan ng central luzon o mainland ng cagayan valley ang bagyong paeng sa araw ng linggo na maaaring magdala ng malalakas na pag-ulan at hangin.