Maituturing na isang magandang pamasko hindi lamang sa mga Cagayano kundi sa buong bansa ang karangalang nakamit ng 11 mag-aaral ng Shining Light Academy sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan mula sa sinalihang international competition sa Osaka, Japan ngayong buwan ng Disyembre.

Ayon kay Ryan Jay Gamurot, Grade School Department Supervisor/Coach ng Shining Light Academy, sampung bansa ang naglaban-laban para sa International Science Olympiad Competition of Southeast Asia (ISOCSEA) at International Mathematics Olympiad Competition of Southeast Asia (IMOCSEA) 2025.

Nag-uwi ang delegasyon ng Pilipinas ng isang Diamond Medal, isang Gold Medal, at walong Bronze Medals sa ISOCSEA habang isang Bronze Medal sa IMOCSEA.

Sa kabila ng pressure mula sa paghahanda hanggang sa hirap ng pagsusulit, sinabi ni Gamurot na naipakita pa rin ng mga SLAions ang kanilang husay sa larangan ng Agham at Matematika.

Dagdag pa niya na marami pa sa kanilang mga mag-aaral ang kwalipikado para sa mga international competition subalit naging balakid sa kanila ang hirap sa pagkuha ng Visa.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na marami ng karangalan ang naiuwi ng SLAions mula sa bansang India, China at Malaysia kung saan sumasali rin ang mga ito sa Campus Journalism na ASIA ROPE.