TUGUEGARAO CITY- Sisimulan na ng Cagayan 1 Electric Cooperative o CAGELCO 1 ang pagbibigay ng notice of disconnection sa araw ng Mierkules para sa mga hindi pa nakakapagbayad ng kanilang konsumo sa kuryente.
Gayonman, sinabi ni Brian Victor Niguidula, finance services dep’t. Manager na selective ang kanilang gagawing pag-iissue ng notice of disconnection.
Sinabi niya na exempted dito ang mga tinatawag na lifeliners consumer o ang kanilang konsumo ay mas mababa sa 40kilo watt per hour.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na sa ngayon ay umaabot na sa P295 million ang hindi nasisingil ng CAGELCO 1 sa kanilang mga member consumers buhat noong maipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso.
Ayon sa kanya, hindi rin sila nagpatupad ng disconnection dahil sa nauunawaan nila ang sitwasyon dahil sa covid-19.
Subalit, sinabi niya na kailangan na rin nilang maningil.
Ayon sa kanya, magtatalaga sila ng kanilang mga collectors sa mga barangay.
Nanawagan naman si Engr. Tito Lingan, general manager ng CAGELCO 1 sa kanilang mga consumers na magbayad na ng kanilang power bills.
Ayon sa kanya,huwag nang hintayin na magbibigay sa kanila ng notice of disconnection.
Idinagdag pa niya na may mahihirapan din ang mga consumers kung maiipon ang kanilang power bills at mapeperwisyo kung mapuputulan sila ng supply ng kuryente.